Feb. 13, 2021
Cely Ortega-Bueno: Unahin ko po, matapos ‘yung inyong isinagawang pagdinig nitong nakalipas na araw ng Martes tungkol po doon sa issue at mga reklamo sa Motor Vehicle Inspection System at ginawang pag-privatize nito, at gayundin sa mga reklamo pa sa child car seat law. May mga naging aksyon po ang Malacañang: una, sinuspinde po ang implementation ng child car seat law at pagdating po sa MVIS, ibinaba po sa dating rate ‘yung sisingilin noong mga Private Motor Vehicle Inspection Center. Kuntento po ba kayo doon sa naging aksyon na ito ng executive?
Sen. Grace Poe: Unang-una, ako’y nagpapasalamat sa mga naging resource person natin, ‘yung mga dumulog sa Senado upang i-report sa atin ‘yung nangyayari. At siyempre sa aking mga kasamahan sa Senado na sumuporta sa kanila. Kami rin ay masaya na kahit papaano ay napakinggan ang kanilang mga hinanaing. Ngayon, siyempre, kasama sa trabaho namin ‘yung pagtingin sa legalidad ng batas, kung ang isang ahensya ba ay sumusunod dito o hindi. Maganda na ibinaba nila ang singil doon sa dating singil kasi nga pandemya ngayon, napakamahal ng P1,500. So ang dinig ko ay ibinaba na nila. Pero patuloy pa rin ang ating paghain ng committee report na nagsasaad tungkol sa legalidad dito. Sinabi nga ni Senator Drilon, ang pagbuo ng isang Private Motor Vehicle Inspection Center ay wala sa mandato ng DOTr. So maaaring hindi ito legal kasi parang isang kapangyarihan na ibinigay ito sa DOTr na pwede silang mag-inspect pero hindi ang DOTr mismo ang pwedeng magbigay nito. So isa ‘yan sa ating dapat pag-aralan at suriin. At bago siguro sabihin na tuloy-tuloy na ang programang ito, nais ko lang sabihin na siyempre ang pakay ng pagkakaroon ng inspection service ay importante dahil nga sa kaligtasan ng ating mga kababayan. Pero katanungan din dito, papaano niyo nabigyan ng lisensya ang isang kumpanya para mag-operate nito? Tandaan natin na kikita sila dito at ‘yung pera na ibabayad nila sa gobyerno ay kulang-kulang P100,000 kada taon pero ang sabi nga ni Senator Recto, itong mga center na ‘to kikita ng P6 bilyon hanggang P8 bilyon sa isang taon. Kung ilan man sila hati-hati sila doon pero malaking pera ‘yun, ‘di ba? So ang isa pang tanong, alam mo marami nang itinabing pera ang gobyerno para diyan, humigit-kumulang P30 bilyon na dapat ang nakalap sa Motor Vehicle Users’ (Charge) Fund. Bakit hindi ginamit patungo dito sa mga inspection center na ito para hindi na kinailangan pang kumuha ng private partner? Hindi ako tutol sa mga private partner lalo na kung magaling sila katulad halimbawa nu’ng doon sa San Miguel Aerocity, ‘di ba… Doon naman sa NLEX-SLEX connector road, Metro Pacific at saka San Miguel, nakita naman natin na gumagana nang mabuti ngayon ‘yan. Pero kapag kumuha ka ng mga partner sa pribadong sektor, dapat siguraduhin mong may kakayanan. ‘Yung mga nakuha nating complaints na ang dami-daming reklamo na pabalik-balik, ‘yung isa ngang babae naawa ako nagpa-check siya ng motor niya sa may Mindoro, parang ilang beses siyang bumalik, at tuwing babalik ay nagbabayad ng extra. So ngayon, binabaan nila ang singil. Pero ang tanong dito, kung hindi natin ‘to nakita ‘e di tuluy-tuloy na ganyan. Tapos sinu-sino ba ang mga ito, baka mga kaibigan ng mga nasa DOTr na hindi dumaan sa public bidding kasi.
Bueno: So Ma’am, unahin ko po muna, ‘di ba ginawa nilang P1,800, ngayon ibinalik sa dating rate na P600. Indication po ba ‘yun na talagang sobra-sobra ‘yung P1,000 kung kaya pala nilang ibalik sa dating rate?
Poe: ‘Yun na nga, hindi na ako magtataka… if they can get away with it, ibig sabihin kung pwedeng makalusot… Pwede pala nilang babaan ng ganoon tapos hindi nila ginawa. Pero hindi pa rin maiaalis ang ating nais malaman kung papaano pinili ang mga may-ari na ‘yan kasi nga walang public bidding. Tapos ang isa pang probisyon na inalis nila, ‘pag ikaw ay nasa DOTr o LTO pwede ka palang mag may-ari niyan. May conflict of interest. Sabi ko nga, magsumite ng sino ba ang mga incorporators niyan, sino ba ang mga may-ari niyan? At kung kunyari wala naman tayong nakita doon na anomalya, then mabuti, pero hindi pa rin tama ang proseso na walang bidding.
Bueno: So, Ma’am, nag-submit na po ba sila ng listahan ng mga may-ari at incorporator noong mga binigyan ho ng lisensya para mag-operate nitong Private Motor Vehicle Inspection Centers?
Poe: Yes, nag-submit sila. Kaya lamang, dito sa kanilang submission, walang attachment ng Securities and Exchange Commission. Parang ito’y mga panga-pangalan na isinumite ng DOTr, pero hiningi na lang natin sa kanila ‘yung kopya talaga ng SEC registration. Kung hindi nila ibigay ‘yun, didiretso na tayo sa SEC.
Raoul Esperas: At saka DTI.
Poe: DTI rin, correct.
Bueno: Pero, Ma’am, meron po ba kayong nakuha na ilang mga information? May nagbigay po ba sa inyo ng info na may mga nabigyan po ng license to operate na talagang kaibigan o kaya’y kamag-anak ng mga taga-DOTr o LTO?
Poe: Alam mo, mayroong mga nagre-report kung sinu-sino diumanong nasa likod talaga nito pero napakahirap kasi kumuha ng pruwebang pwedeng gamitin. Hindi ko naman pwedeng isiwalat nang wala akong pinanghahawakan. Pero sabihin na natin na maayos naman ang mga taong ito, bakit hindi idinaan sa tamang bidding? Hindi pa rin legal ang pagpili sa kanila, kaya ‘yun ang nagiging problema. Kunwari may isang kumpanya sa gobyerno nagbukas ng inspection station, papaano n’yo pinili ‘yan? Hindi ba dapat bago ang lahat pipiliin ang pinakamagaling. Kaya ipa-publicize mo, ipi-print mo na may available na position para lahat ay pwedeng mag-apply kung sila ay may kakayanan dyan pero kung sikreto lang, hindi n’yo ito ginawang bukas o transparent, talagang may anomalya diyan.
Bueno: Pero, Ma’am, hindi ho ba dapat ang una muna na ma-determine kung may karapatan ba ang LTO o DOTr na i-delegate nga po sa private sector itong pagsasagawa ng inspection? Hindi ho ba dapat iyon muna ang ma-establish kasi kung wala sa mandate nila, in the first place, hindi pupuwedeng mapasakamay ng private sector itong pagsasagawa ho nitong pag-test ng mga sasakyan.
Poe: Oo. Alam mo magsa-submit ako ng committee report itong darating na linggo, either Tuesday or Monday. Doon namin idedetalye lahat ng mga nakita natin… doon natin makikita kung papaano talaga ito ginawa ng DOTr, kung legal ba o hindi. Sa nakikita ko sa ngayon, at sa nga nadinig ko, mukhang hindi talaga. Wala talagang karapatan ang DOTr.
Bueno: Ang nakikita po n’yo, initially, walang karapatan ang DOTr na i-delegate sa private sector, tama po ba?
Poe: Doon sa mga naging usapan sa ating pagdinig. Pero itong weekend na ito naghahanap pa kami ng maaaring mga ibang probisyon na ginagamit nilang kadahilanan. Hintayin na lang natin ang committee report na ilalabas.
Esperas: Ano bang service provider n’yo Senator?
Poe: Hay naku, itago na lang natin sa pangalang hindi bale na. Ganito, mahirap kasi ang provider ninyo sa cellphone iba sa provider ko. Kaya hindi nagkakatugma ang mga linya, ‘yan nga ang problema kapag hindi nagko-cooperate ‘di ba? Anyway, going back to our topic dahil sa isa pang topic ‘yang napuputol na linya na ‘yan, ‘yung magiging recommendation namin siyempre unang-una kung meron ba talagang batayan na legal ang privatization ng mga MVIS. Kaya ito ba ay naaayon sa private emission testing center under the Clean Air Act. So kailangang ‘yan ay pag-aralan mabuti ng Kongreso at ayusin ang batas at linawin ang batas para dito. Tapos magrerekomenda rin kami na ang Senate blue ribbon committee ay dapat imbestigahan ang mga transaksyon na kaduda-duda dito sa mga PMVIC. Kasi sinu-sino ba sila at para ito payagan ng walang bidding—ito ay maanomalya na du’n pa lamang. At nasa poder na ‘yan ng blue ribbon kaya ayoko muna pangunahan ang lahat ng nasa report ko dahil kailangang basahin ng kabuuan ‘yan pero iyon ‘yung dalawang bagay na nakikita ko na siguradong makakasama doon.
Esperas: So ipatatawag rin, Senator, ‘yung lahat ng mga incorporator ng mga private MVIC owners na ito?
Poe: Hindi lamang ‘yun, pati ‘yung mga opisyal ng DOTr. Paano ito nakalusot, bakit, sino ang nagdesisyon na gawin itong wala nang bidding? At hindi na siguro ako magpapatawag niyan dahil pagdating na sa mga imbestigasyon ng korapsyon at anomalya, nangunguna diyan ang blue ribbon committee, baka sub-committee ako para makapagbigay ng technical support sa mga batas ng public services.
Bueno: So, Ma’am, lalamanin din ng committee report n’yo kung meron na bang naging violation po ang DOTr at LTO nung i-delegate po nila sa private sector ito pong pagpapatupad nitong programa na ito, itong motor vehicle inspection system?
Poe: Sa nakikita namin, oo. Kaya ilalagay din namin ‘yan na mayroon kaming nakikitang violation kaya kailangang linawin ng Kongreso at hindi lamang ‘yon para naman mabuo ang ating konklusyon ukol dito, kailangan ding maipagpatuloy ng blue ribbon committee kung meron bang mga anomalya sa transaksyon dito.
Bueno: So nandun din sa committee report n’yo ‘yung recommendation na magsagawa ng hiwalay na hearing ang blue ribbon committee para ‘dun sa anggulo na iyon?
Poe: Opo, kasama na iyan.
Esperas: Senator, ibinaba nila from P1,800 naging P600 na lang ang sabi ng DOTr. Ngayon ang tanong, kung halimbawa nakapagbayad na, nakapagrehistro na at nakapagbayad na ng P1,800, paanong mangyayari ngayon?
Poe: Iyon na nga ang problema, ‘di ba? Kailangan sigurong sabihan ng DOTr iyong mga private motor vehicle inspection center owner na i-refund nila ang difference. Ewan ko kung magagawa nila iyon; ‘yun ang problema kasi kapag nakapagbayad ka na, pahirapan ‘yan para makasingil ka kung magbibigay ng refund talaga ang mga ‘yun. Alam mo, siyempre pwede mong kasuhan ‘yung mga ‘yan pero ‘yun bang ating mga kababayan, mga motorista kakasuhan pa ba nila, hindi na siguro ‘di ba? Kaya ‘yun ‘yung hindi patas, very unfair kaya nga kailangan talagang malaman ang plan ng DOTr ngayon, paano na ngayon iyong mga naunang nagpa-test?
Bueno: So, Ma’am, ‘dun po sa committee report niyo ire-recommend niyo pa rin na isuspend ang operation ng private motor vehicle inspection center or the mere fact na ibinaba nila sa dating rate ay papayagan na ho sila na magpatuloy ng operation?
Poe: Alam mo hintayin mo na lang ang committee report ha, kasi mahirap magbigkas ngayon na hindi ko idi-detalye ang dahilan sa likod niyan, maraming mga teknikal na mga bagay. Basta ang masasabi ko sa iyo, iyong nakikita natin ngayon walang legalidad sa kanilang operasyon. Hangga’t hindi natin naja-justify o nasasabi ang katwiran ng DOTr saan ba nila kinuha iyan sa batas ng Clean Air Act, ‘di ba?
Bueno: So, Ma’am, ilalabas n’yo ang committee report ng Tuesday tama po ba, February 16?
Poe: Basta the latest Wednesday. Kasi siyempre ‘di ba kapag naglabas ka ng committee report kailangang pirmahan ng mga miyembro mo, so nakakakalap na kami ng majority signature ng public service committee members, mailalabas natin. Alam mo naman yung committee ng public services maraming miyembro iyan kaya iikot pa. Ngayong hybrid ang ating sessions ini-email sa kanya-kanyang tanggapan tapos ipadadala sa mga kung saan nag-oopisina ang mga senador para mapirmahan.
Bueno: Ma’am, marami ho nagme-message mabuti na lang ho ang inyong committee nag-conduct ng hearing at may ganitong ilang development, ganitong action, ibinaba sa dating rate tapos sinuspinde iyong Chid Car Seat Law, buti daw ho naging mabilis ang inyong committee at meron nang naging positive na resulta. Marami hong nagme-message na na-appreciate ‘yung ginawa ninyo.
Poe: Salamat naman sa inyong pag-appreciate. Alam mo kahit naman kami frustrated na rin kami sa mga nangyayari kasi lalo na ngayon para namang wala ka nang puso na bigla kang sisingilin ng mataas ‘di ba sa panahon na ito. Hindi bale kung kita para may konting tubo, mukang tubong lugaw ang ginagawa nila, ‘di ba? Parang iyan tuloy nakarma sila, mas lalong nabulatlat pa iyong ibang siguro akala nila makakalusot sila. Tapos isa pang pwedeng gawin dito sa Car Seat Law, ‘yung importante, maging affordable rin sa ating mga kababayan ang pagkakaroon ng kaligtasan ng mga anak nila. May mga ibang contraption na pwedeng gamitin na hindi naman mahal katulad ng car seat. Kailangan lang magsaliksik siguro, magbigay ng teknikal na rekomendasyon ‘yung mga nakakaalam diyan. So maaaring, ngayon talaga suspended, dapat buksan muli ang pagdinig diyan para ma-amyendahan ang batas. At isa pa kasi mahihirapan talaga sa mga public utility vehicles na magkaroon ng child restraint. So hinihintay pa natin iyong DOTr, anong rekomendasyon nila pero siguro dapat ay, kasi nakalagay iyan sa batas na magrerekomenda sila kung papaano mangyayari ‘yung mga child restraint system sa public utility vehicles. Wala pa silang ibinibigay niyan pero ang masasabi ko lang kahit sa ibang bansa, gustuhin man na magkaroon ng ganu’ng uri ng child restraint sa public utility vehicles, hindi lahat nagagawa dahil nga sa design nitong mga sasakyan na ito. So kailangan pang buksan muli ang pagdinig diyan at sa panahon ngayon hindi muna iimplementa katulad nga ng sinabi ng ehekutibo.
Bueno: So, Ma’am, kailangan pala ang tingin ninyo kailangang magkaroon ng amendment sa batas na iyon bago ipatupad?
Poe: Maaaring doon na nga tayo papunta kasi di ba ganyan naman talaga kapag nakita natin na merong kakulangan o kasobrahan, kalabisan ang batas, kailangan natin talagang amyendahan. Kasi ang batas ay magiging balewala kung hindi naman kayang implementahin ng tama. So kailangan patas, kailangan maging makatarungan, kailangan ay praktikal rin na maiimplementa.
Bueno: So, Ma’am, ‘yung committee report next week limited lang ho sa MVIS, yung tungkol ho sa Child Car Seat Law hindi pa ho iyan saklaw nun?
Poe: Hindi pa, kasi isa-isa, tatlong topic iyan. Iyong isa pa doon ‘yung, ewan ko siguro kung resolution lang siguro ito ng IATF na huwag namang palawigin pa iyong sinasabi nila na dapat naka-face mask sa mga sasakyan ang mga miyembro ng iisang bahay o same household. Ewan ko, kayo ba sa tingin ninyo may katuturan ba ‘yan? Parang nasa sasakyan kasama mo asawa mo, anak mo, naka-face mask kayo lahat tapos ano pag-uwi mo ng bahay isusuot mo pa rin dapat kung iyong logic same household ‘di ba? So, alam mo ang DOTr hindi lang sila dapat tanggap ng tanggap ng mga ganyan kailangan magbigay din sila ng payo, dahil iyan ay saklaw nila. Saklaw nila na sabihin sa IATF na parang hindi yata iyan praktikal. Sa mga public transportation, of course definitely, kailangang naka-mask ka. At saka kapag may carpool kunyari humihiram ka ng mga sasakyan sa kaibigan mo o kaya sama-sama kayong pumapasok sa isang trabaho pero hindi naman kayo magkakamag-anak hindi kayo nakatira sa iisang bahay, talagang dapat naka-face mask.
Bueno: So, Ma’am, nabanggit n’yo na rin lang ang public transport sector, sa tingin n’yo ba dapat iyong mga nasa public transport sector makasama sa priority list kapag nagsimula na iyong vaccination program ng government?
Poe: Siyempre lalung-lalo na, alam mo sa ibang bansa, sa UK halimbawa, ‘yung mga bus drivers parang may priority talaga sila. Kasi mas maraming tao silang nakakahalubilo ‘di ba sa kanilang sasakyan. Hangga’t makakaya lahat talaga ng mga matatawag din nating frontliner, ‘yung mga nagpo-provide ng transportation. Hindi ba dun sa MRT maraming nagkahawahan ng isang araw, pati nga ‘yung general manager ay namayapa ‘di ba? So may mga bagay talaga, may kanya-kanyang tungkulin tayong lahat. At doon sa mga araw-araw ay sumusugal ng buhay nila, nakikipagsapalaran para mapagpatuloy ang isang serbisyo dapat mauna sila sa priority list.
Bueno: Pero doon sa listahan ng IATF hindi kasama ang sa transport sector or kasama na ba sila as priority list?
Poe: Hindi ko matandaan lahat ng nandoon. Para sa akin lang siyempre meron silang listahan pero alam naman natin ang katotohanan na hindi ganun kabilis ang pag-import ng bakuna. So, kung anuman ang naiisip nila na dapat ay priority sana ay makonsidera din nila ang nasa transport sector.
Esperas: Senator, speaking of bakuna kayo ba ay magpapabakuna publicly o private?
Poe: Wala akong balak na kuhanan ako habang nagpapabakuna, pero kung ito’y makakatulong sa ating mga kababayan na medyo mapalagay ang loob nila, bakit hindi. Okay akong magpabakuna in public pero kung meron namang mga ibang gagawa noon, sila nalang. Baka mamaya makita pa ninyo ‘yung mukha ko na ano…
Bueno: Nasasaktan.
Poe: Alam niyo, hindi ako masyadong takot sa bakuna, mabilis lang naman iyan. Kung makakatulong, bakit hindi. Pero kung marami naman, I think si Senate President Tito Sotto magpapabakuna in public. Kung sapat na ‘yun, okay na.
Bueno: Pero kung kulang pa iyon para mas lumakas pa ang kumpiyansa dahil siyempre maraming maka-Grace Poe ‘di ba ‘yung mga supporter niyo, Ma’am, so willing po kayo na in public din po magpa-vaccine?
Poe: Oo, para naman sa kaligtasan nating lahat, kalusugan natin, bakit naman hindi. Ang problema niyan baka mamaya ‘pag magpabakuna ako mahiritan ako, epal nanaman, ganyan ‘di ba. Hindi, basta meron talagang nakikitang benepisyo na ‘yung mga nagtitiwala sa atin ay makumpiyansa. Kasi importante talaga na magpabakuna. Sa ngayon, ‘yun ang laban natin dito sa virus na ito. Maaaring sa darating na panahon, may mas gumaling pa na ibang paraan na pwede nating malabanan itong sakit na ito. Pero sa ngayon, ‘yan ang nakikita nating paraan pa lamang.
Bueno: So, Ma’am, kayo, walang pangamba? Kung baga tiwala kayo dito sa binibiling bakuna ng ating government?
Poe: Depende kung anong kumpanya, may mga ibang bakunang hindi ako sang-ayon o sa mga nababasa ko, pero hindi naman ako medical expert. Kaya nga ayokong sabihin sa ngayon kung ano muna ang pipiliin. Number one, wala pa namang available para sa amin, hindi naman kami nasa priority list. Number two, kailangan ko pang basahing mabuti kung anong sa tingin kong makakaigi.
Bueno: Ma’am, panghuli nalang po, sa Feb. 15, sa Monday, bagama’t hindi pa nag-roroll out itong vaccination program ay pinayagan na po ang pag-reopen ng limited capacity sa mga sinehan, park, arcade, at maging ‘yung mga simbahan itataas na sa 50 percent capacity ‘yung bubuksan. Kayo po ba’y komporme o medyo may pangamba kayo dito?
Poe: Kasi alam mo, ‘yan ay pagbabalanse ng ekonomiya natin at kaligtasan sa kalusugan. Gusto kong malaman dito, ewan ko kung anong committee ito siguro pwedeng pag-usapan sa Senado ‘no, pero anong ginagawa pala ng mga establisyemento na ito para maisiguro ang kaligtasan ng mga pupunta roon. Halimbawa, marami na sa ating nangangating manood ng pelikula ‘di ba, at marami na ring naluluging may-ari ng sinehan. At baka hindi lang ‘yun, mga artista at producers na naka-depende sa mga pelikula pati entertainment. Ano ang ginagawa ng mga sinehan? Meron ba silang bagong filtration system ng airconditioning? Alam ko ‘yung social distancing ‘yung mga hiwa-hiwalay diyan, ganyan-ganyan. Pero ‘yung hangin na hinihinga mo ay recycled pa rin ‘di ba. Meron silang sinasabing mga HEPA filters kung saan ‘yung pagsasala ng dumi ay mas maingat, mas maayos. So, gusto kong malaman ‘yung mga bagay na ‘yun kasi importante ‘yun para may kumpiyansa din ang ating mga kababayan. Ngayon, doon sa mga simbahan, siguro marami sa atin talagang nangungulilang makapunta sa simbahan, pero dapat siguro ‘yung open air, anong mga guideline nila. Tapos ‘yung sa mga museum ganoon din, filtration system o open air. Basta maraming, hindi basta-basta ako lulusob sa mga lugar na ganyan hangga’t hindi ko nalalaman ang detalyeng nagawa para mas masiguro ang kaligtasan natin.
…
Bueno: Pero nakakaawa din naman po ang ating nasa movie industry ‘no? Kailangang maka-recover nila.
Poe: Ay siyempre, alam na alam ko ‘yan. Mga kasamahan ko ‘yan. Marami diyan mga kaibigan namin, nadidinig ko ang kanilang hinanaing. Pero siyempre, kahit naman sila, naiintindihan nila ang sitwasyon na talagang kaligtasan natin ang nakasalalay dito. Kaya hihilingin natin, ‘yung appropriate committee ng Senado, hindi ko alam kung saan ‘yan, health ba ‘yan o public information, hihingiin natin kung ano ‘yung guidelines ng mga sinehan. Aside from social distancing, ‘yung kanilang air filtration system.